sana naging tayo nalang

P! Guess who I saw?

-Who?

Someone who occupied your heart for a long time.

-Wow!! Sino nga?

Si _______.

-Oh!

At eto na naman tayo. Binabalik balikan ang alaala. Ilang taon na nga ba? 10 years? 10 years ding di tayo nagkita. Sa loob ng 10 years, andaming nangyari, nabago, naalis, natanggal, nadagdag, nadama at kung anu-ano pang “na-“.

Walang buwang hindi kita minsang naisip. Paulit ulit ang pagtakbo ng mga kaganapan ng kahapon na pilit kong iwinawaglit sa aking isipan. Sa bawat nakakatuwang alaala, hindi ko pa rin maiwasang mangiti. Parang sirang plakang the more mong iplay, the more mo syang matatandaan. Bakit kasi di nalang naging tayo?

Naalala ko noon, pumunta ako sa Manila para sa isang training. At habang sakay ako nga MRT, may namataan akong lalakeng, parehong pareho ng style mo, hindi ko masyadong naaninag ang mga mata nyang natatakpan ng maitim na salamin. Siksikan ang mga tao at ako’y nakaupo sa sulok, naisip kong siguro’y bababa na sya kaya pilit akong tumayo upang makita kang muli.

Bumaba ka sa glorietta, at nakumbinsi ko ang aking mga kaibigang bumaba na rin. Sinundan kita  ng tingin ngunit mukhang hindi mo ako nakita. Balisang balisa ako, nais ko sanang lapitan ka upang batiin, imagine, sa dami dami ng lugar at taong makikita, sa iisang tren at ikaw pa ang aking nakita. Ikaw.

Tinipon ko ang aking lakas ng loob, ano ngayon kung di mo ako napansin, lalapitan na kita ng bigla kong naalalang tawagan ka muna. Hinanap ko ang telepono ko at sa pagbaling kong muli, wala ka na sa iyong kinatatayuan. Duma dial na ako ng telepono ngunit naisip kong, ano nga ba ang sasabihin ko pagsagot mo.

“hey, nasa glorietta ka ngayon noh?” at baka naman sabihin mong “oo, nagmamadali ako” or kaya’y “huy, bakit nandito ka, nandito din ako” tapos yun pala hindi ikaw, sabihin mo pang naghahanap lang ako ng excuse. Haha You see, ang mga desisyon ko noon nakadepende sa kung anong iisipin ng tao. Sana di na ako nag isip pa at sinunggaban kita nung hapon ding yun. Baka naging tayo na.

Naalala ko din isang gabi, nagtitext tayo at paulit ulit mong sinabing, pupuntahan mo ako sa bahay namin, ako naman itong timang, hindi. Hindi puwede. Sus kung alam mo lang, naghuhumiyaw ang puso ko sa kilig at saya, bakit ako pupuntahan? Bakit ako bibigyan ng oras para puntahan? Ang ngiti kong umabot hanggang langit. Baka naging tayo na.

Sakay sakay ako sa front seat habang kausap ang tatay ko nung nagtext ka, sabi mong, gusto mo akong makausap. Tumawag ka. Tumingin ako sa telepono kong nasa paanan. Paano ko sasagutin? Tumingin ako sa tatay ko, tumingin din sya sa akin, “yung phone mo nagriring”. Gustong gusto kong sagutin pero di ko masagot so I pressed the red button to ignore your call. High na high pa rin ako pero di ko alam anung meron at kinakabahan ako tuwing may kausap sa telepono. Sana sinagot ko, baka naging tayo na.

Naalala ko din may pinuntahan tayong beach, abala ang lahat. Hinanap kita at nakita kong nakaupo ka sa kubo kasama ang mga kaibigan mo. Pasimple kong sinuot ang shades ko, at umupo sa isang balustre kung saan maari kitang pagmasdan ng hindi mo namamalayan.

Inisip ko, ano nga ba ang nakita ko sayo? Aaminin kong may hitsura ka talaga, ang yong mga matang kusang ngumingiti at ilong na sing tangos ng poste ng meralco. Pero di naman hitsura mo lang ang napansin ko, napansin kita ng dahil sa kasimplehang taglay. Hindi masyadong madada, walang kaaway, walang bisyo, basta… nang biglang, tumingin ka sa gawi ko at huli na upang ilihis ko ang aking tingin, sabagay nakashades naman ako… ngumiti ka, hindi ako ngumiti para kunwari hindi ikaw ang minamasdan. Nagkunwari akong tumingin sa iba at kumaway, nakita ko ang mukha mong nadisappoint. Sana ngumiti nalang din ako, baka naging tayo na.

Tuwing nag uusap tayo, sinasabi mong crush mo si ganito ganyan. Ako naman itong timang, oo nga maganda si ganito, ganyan. Kung alam mo lang… sa bawat nagugustuhan, nacucurious ako kung sino sya, parang punyal na dumidiin sa bawat himaymay ng aking pusong nasasaktan. At nung sinabi mong nililigawan mo na si Juana… dun na nagsimula ang lahat. Sana ako nalang, baka naging tayo na.

Tapos Nalaman kong naging kayo ni Petra at sa di mawari, di ko maintindihan kung bakit labis akong nasaktan. Nagsimula ang lahat sa imahinasyon kong kay likot, litrato mong tinago ko at idinikit kasama ng solo pic ko. Ni minsan, hindi ko kinwento kahit kanino. Maraming beses na pwede sanang naging tayo kung mas naging totoo ako sa sarili ko, pero ni isa sa bawat pagkakataon, hindi ko naisip na mawawala ka ng tuluyan.

Siguro’y kay taas ng aking kumpyansa, marami ka mang magugustuhan, sa akin ka pa rin babagsak. Alam mo yun? Yung feeling na, walang ibang magmamahal sayo ng totoo kundi ako. At sa ideyang yun, nakocomfort ako. Kay dami kong hinindian kasi alam kong darating ang oras na magkakalakas loob ka din. Pero sa bawat buwang nadadagdag, nasaan ka?

Siguro nga… mali din pala ang maghintay ng maghintay. Kasi habang tumatagal, mas lumayo ka kesa lumalapit. Hanggang sa… di ko nakayanan pa. Mahal kita pero mas mahal ko ang sarili ko. Sa bawat larawang nakikita, doble ang sakit, ang pangamba, bakit pa ako magdurusa?

Sa bawat kuwento na pangalan mo ang ibinigkas, tinuruan ko ang sarili ko ng “poker face effect”. Ni isang emosyon, dapat walang maaninag. Ang mga kaibigang pilit ibinabahagi kung saan at ano ka na ngayon, di ko pinakikinggan. Kung gaano ka disinterested ang mukha ko, gayun naman ka attentive ng puso ko. Over over.

Inalis kita sa aking sistema. Bawal tulay ng komunikasyon, hindi ko na maaaring gamitin pa. Paano kita makakalimutan kung paulit ulit kong Makita yung updates mo? Paano kita palalayain kung ni mismong litrato mo, paulit ulit kong minamasdan at sinesave as document pa? Mali. Hindi naman naging tayo.

At nung nag-ping nga ang kaibigan ko, pinilit kong wag pansinin. Nakaya ko nga ng sampung taon diba, ngayon pa kaya? Siguro nga’y hindi naman talaga tuluyang nakakalimutan, kasi feeling ko, ikaw naman talaga ang first love ko. Pero bakit ganun, akala ko wala ng effect, pero sa tuwing naiisip kong makakasalubong kita, hindi ko pa rin alam ang gagawin.

Alam ko, OA nga talaga ako. Sabi nila, magreact ng ayun sa relationship status. True, pero paano mo naman sasabihin sa puso mong, huy oa ka na, magreact ng naaayon. Sana talaga…

Sana naging tayo nalang…

Comments

Popular posts from this blog

Love you to the heavens

Diffi-CULT

how to get a band score 6 and up without a review center